Sumalpok ang isang van sa concrete barrier ng EDSA Busway sa Mandaluyong City nitong Linggo ng umaga. Ang mga pasahero naman ng mga bus, napilitang maglakad sa Ortigas flyover.
Nangyari ang aksidente sa EDSA southbound lane pagkababa ng Ortigas flyover dakong alas-kuwatro ng umaga, ayon sa ulat ni Luisito Santos sa Super Radyo dzBB.
Kuwento ng driver ng van, galing siya ng Fairview at patungong Cavite para may i-deliver.
Dahil madilim ang lugar, hindi raw niya napansin agad ang mga concrete barrier pagbaba niya ng Ortigas flyover. Tinted din daw ang sasakyan.
Hindi naman nasaktan ang driver at walang nadamay na ibang motorista.
Ang mga bus naman na nasa EDSA Busway ay naipit sa trapik dahil sa aksidente. Nagpasya na tuloy ang mga pasahero na maglakad na lang pababa ng flyover.
UPDATE: Napilitan nang maglakad sa flyover ang ilang mga pasahero ng EDSA Busway matapos ma-trap dahil sa naaksidenteng van sa Ortigas Avenue. | via @luisitosantos03 pic.twitter.com/1cnG5o3zFX
— DZBB Super Radyo (@dzbb) February 10, 2024
Hindi ito ang unang beses na nagkaroon ng aksidente sa lugar na ito.
Isang van at bus ang bumangga rin sa mga concrete barrier sa lugar na ito noong nakalipas na Linggo, at noong isang Sabado naman ay isang SUV ang sumalpok din sa mga concrete barrier dito. —KG, GMA Integrated News