Arestado ang isang Koreanong pugante na nagre-recruit umano ng mga Pilipino upang maghatid ng droga sa South Korea.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing lumipad pa-Marinduque para makaiwas ang high profile Korean fugitive na si Sim Dongwoo, ngunit nadakip siya ng mga tauhan ng Bureau of Immigration – Fugitive Search Unit at Philippine Drug Enforcement Agency.
Ayon sa hepe ng BI – Fugitive Search Unit na si Rendel Sy, nadakip si Sim noong 2021 dahil sa kaso niya sa Korea dahil sa telecom fraud, ngunit pinakawalan na hindi alam ng BI kaya siya nagtago ulit.
Gayunman, na-monitor ng mga awtoridad sa Korea ang suspek dahil sa mga nahuling drug mules doon. Lumabas pa sa imbestigasyon na si Sim ang source sa Pilipinas.
Bagong kaso ngayon ng Korean national ang pagpapadala ng shabu sa pamamagitan ng kaniyang Koreanong drug mules na nire-recruit dito sa Pilipinas.
“Nilalagay nila itong methamphetamine o shabu sa sole ng sapatos. May instances na nilalagay din sa sanitary pads o kanilang private parts para nga hindi ma-check ng ating airport authorities, kaya ito’y nakakalusot papunta ng Korea,” sabi ni Sy.
Dagdag ni Sy, nasa 200 grams ng shabu umano ang dinadala ng drug mules ng Koreano.
Nakapiit na ngayon sa BI Detention Facility ang Koreanong pugante, na sinisikap pang kunan ng pahayag ng GMA Integrated News.
Nagsasagawa na rin ng backtracking ang BI upang matukoy kung sino-sino pa ang mga kasabwat ni Sim. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News