Nasawi ang isang 72-anyos na senior citizen nang ma-trap siya sa kanilang bahay sa isang sunog na sumiklab sa Barangay 96, Pasay City.
Sa ulat ni Darlene Cay sa State of the Nation, kinilala ang biktima na si Ruben Yabut, na nasawi sa kanilang bahay sa Zamora Street.
Ayon sa kaniyang anak, bedridden o hindi na nakagagalaw si Yabut matapos itong ma-stroke.
Tinangka pa si Yabut na sagipin ng residenteng si Darwin San Miguel.
Gayunman, sugatan si San Miguel, pati ang isa pang residente at isa pang fire volunteer.
Sumiklab ang sunog pasado 2 p.m.
Itinaas agad ng Bureau of Fire Protection ang sunog sa ikalawang alarma.
Naapula ang apoy makalipas ang dalawang oras.
Ayon sa tala ng barangay officials, nasunog ang 48 bahay, at nawalan ng tirahan ang nasa 70 pamilya.
Nasunog din ang mismong barangay hall ng Barangay 96, at nadamay ang ilang mahahalagang dokumento tulad ng financial documents, blotter at logbook ng barangay.
Panandaliang mananatili sa Zamora Elementary School ang mga nasunugan.
Patuloy ang imbestigasyon sa sanhi ng apoy. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News