Buhay na nasagip ang isang batang babae mula sa gumuhong lupa sa Maco, Davao de Oro. Nangyari ang landslide dalawang araw na ang nakalilipas.
Kinumpirma ni Maco information officer Jiesyl Mae Tan nitong Biyernes sa GMA News Online sa pamamagitan ng text message ang magandang balita.
Sa inilabas na pahayag ng pamahalaang panlalawigan, nakasaad na "stable" ang kalagayan ng bata matapos suriin ng mga doktor.
“A miraculous little girl survived the landslide that hit Zone 1, Barangay Masara, Maco. This girl was rescued this morning during an ongoing search, rescue, and retrieval operation by our responders,” ayon sa pahayag.
“So far, this child’s condition is confirmed to be stable after receiving proper medical attention by doctors and nurses at the hospital,” dagdag nito.
Hanggang nitong Biyernes ng umaga, 15 bangkay na ang nakuha mula sa gumuhong lupa, at nasa 110 ang nawawala.
Ayon sa Office of Civil Defense (OCD) spokesperson Edgar Posadas, beneripika muna nila ang mga pangalan ng mga naitalang nawawala bago nila ito opisyal na isinama sa bilang.
Patuloy umano ang ginagawang paghahanap sa mga biktima, ayon pa kay Posadas.
“Ang ginagawa po natin, hindi ko lamang po alam iyong detalye ng shifting because I am not on the ground, pero nilimitahan po natin for the safety of everyone pati po noong mga rescuers natin,” pahayag ng opisyal sa ulat ng GTV Balitanghali.
“We are expecting some rains again throughout the weekend sa Davao Region,” dagdag niya.
Martes ng gabi nang mangyari ang landslide na tumabon sa mga kabahayan at dalawang bus na pinaniniwalaang mahigit 24 katao ang sakay.
Nakararanas ng mga pag-ulan sa Davao region nilang mga nakalipas na linggo na nagpalambot sa lupa sa mga kabundukan.
Inihayag naman ni Colonel Rosa Ma Cristina Rosete-Manuel, spokesperson ng Eastern Mindanao Command (EastMinCom), na kabilang sa mga tumutulong rescue operations, umaasa ang mga rescuer na may makikita pa silang mga survivor. —FRJ, GMA Integrated News