Kinagigiliwan ang isang batang babae nang mauwi sa panenermon ang kaniyang pagkasa sa 0.5 challenge matapos niyang makita ang kalat sa kanilang bahay sa Cainta, Rizal.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, mapapanood ang video ng Slampack TV tampok ang batang si Stephanie Origenes.

"Ang daming kalat sa bahay katulad nitong mga tiklupin!" sigaw ni Stephanie.

"Tapos dito pa sa lababo hindi pa matakluban 'yung pagkain," patuloy niya.

Sa video, mapapansing tila "0.5" na lang din ang natitirang pasensya ng walong taong gulang na bata.

Sa halip kasi na OOTD ang ibida ni Stephanie, mga tiklupin at kalat sa bahay ang naging sentro ng kaniyang entry.

Ayon naman sa mga magulang niyang sina Marvin at Joy, nagkaroon ng kasiyahan sa kanila kaya nagkaroon ng maraming kalat.

Matapos mag-request si Stephanie na gawin ang 0.5 challenge, naisipan nilang pamilya na lagyan ito ng twist.

Tumutulong sa mga gawaing bahay si Stephanie kaya lang may kasama siyang talak. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News