Patay sa tama ng bala ang isang binatilyo sa Tondo, Maynila matapos umanong maglaro ng "Russian Roulette" kasama ang kaniyang pinsan, ayon sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Biyernes. 

Nabaril ang 14-anyos na biktima ng kaniyang 22-anyos na pinsan habang naglalaro umano ng "Russian Roulette" sa kuwarto ng suspek nitong Huwebes.

"Nung una hindi raw ito (baril) pumuputok, pangatlo, pang-apat tsaka ito pumutok at tinamaan na nga 'yung bata sa ulo," ani Police Captain Dennis Turla, homicide section chief ng Manila Police District.

Naisugod pa raw sa ospital ang biktima pero binawian din ito ng buhay kalaunan.

Agad namang naaresto ang suspek na tumangging magbigay ng pahayag. Inaalam pa ng otoridad kung saan niya nabili ang baril.

"Inaalam namin ngayon kung may nagawa ba siyang dating mga krimen," ani Turla.

Mahaharap ang suspek sa reklamong homicide. —KBK, GMA Integrated News