Na-hulicam ang pagnanakaw ng dalawang lalaki sa isang electric scooter sa Brgy. Amihan Quezon City.
Sa CCTV footage ng barangay, makikitang tila ordinaryong residente lang ang mga salarin na may hawak pang helmet. Pagtapat sa isang bahay ay agad silang pumasok sa gate.
Matapos ang mahigit 40 segundo, tangay na nila ang e-scooter.
Sa isa pang anggulo ng CCTV, nahagip ang mga salarin na patakas sa Narra Street. Ang isa ay nakasakay na sa motorsiklo na walang plaka. Sinusundan siya ng kasamahan na nakasakay naman sa ninakaw na e-scooter.
Kuwento ng may-ari, ginamit pa niya ang e-scooter ilang oras bago ito nanakaw.
“Natulog ako tapos nagising ako mga 8:30 a.m., napansin ng tito ko na wala na ‘yung scooter kasi wala sa ibaba tapos wala rin sa itaas kasi minsan inaakyat ko. Ang ginawa ko pumunta ako sa barangay para ipa-check sa kanila ‘yung nangyari sa CCTV,” ani Hans Marcon, ang may-ari ng e-scooter.
Ayon naman sa mga taga-barangay, dayo lang sa lugar ang dalawang lalaki na sa unang tingin ay hindi aakalaing magnanakaw pala.
“Most likely po talagang hindi namin residente hindi siya familiar na taga barangay amihan,” sabi ni Kagawad Ryan Rodriguez.
Nai-report na ang krimen sa Anonas Police Station. —KBK, GMA Integrated News