Nambato ng mga motorista at nanlaban sa mga opisyal ng barangay ang isang babae na nagwala sa lansangan matapos na hiwalayan ng kaniyang kasintahan sa Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing nangyari ang pagwawala ng 27-anyos na babaeng lasing sa Barangay Project 6.
Sa kuha ng CCTV camera, nahuli-cam ang babae na pasuray-suray na naglalakad sa gitna ng kalsada, at binabato ng tsinelas ang ilang motorista.
Nang dumating ang mga opisyal ng barangay, sinipa niya ang isa, at may isa pa siyang kinagat sa braso.
Ayon sa pulisya, lasing ang babae at masama ang loob dahil hiniwalayan ng kaniyang kasintahan.
“‘Yung isang BPSO po natin kaniyang nasaktan, at ‘yung isa rin pong kagawad, nakagat po niya sa tagiliran at sa braso,” sabi ni Police Major Octavio Ingles, Jr., police deputy station commander ng Project 6 police station.
Aminado naman ang babae sa kaniyang ginawa at nagsisisi raw siya.
“Sobrang lasing ko sir, wala na po ako sa huwisyo,” sabi ng babae, na inamin din ang nangyaring breakup nila ng kasintahan.
“Hindi ko na talaga matandaan ‘yung mga nangyari… Humihingi po talaga ako ng pasensya, talagang sobrang pagsisisi ko,” dagdag niya.
Dahil sa nangyari sa kaniya, ang payo niya, “Huwag na po mag-inom ‘yung mga kabataan ngayon. Itigil na ang pag-iinom.”
Mahaharap sa patong-patong na reklamo ang babae na kinabibilangan ng Alarms and Scandals, and Resistance and Disobedience at Direct Assault upon an Agent of Person in Authority. — FRJ, GMA Integrated News