Umakyat na sa 10 ang nasawi sa nangyaring landslide sa Maco, Davao de Oro, habang 49 pa ang pinapangambahang natabunan ng lupa.
“We have recorded that ten (10) bodies have been recovered from the landslide and thirty-one (31) injured persons have been rescued,” ayon sa pamahalaang panglalawigan.
Martes ng gabi nang gumuho ang bahagi ng bundok na bumabon sa isang paradahan ng mga bus, isang barangay hall, at ilang kabahayan sa Zone 1 Barangay Masara sa Maco town.
Nangyari ang insidente malapit sa isang mining site na mayroong tatlong shift na nagtatrabahi para sa 24 na oras nitong operasyon. Kabilang sa mga natabunan ang ilang manggagawa na pauwi na sakay ng dalawang bus.
Maliban sa tinatayang 30 manggagawa ng sakay ng dalawang bus, may mga residente rin sa lugar ang pinapangambahang nabaon sa lupa.
Pahirapan ang paghahanap sa mga biktima dahil sa lawak ng lugar na tinamaan ng pagguho.
Bukod sa mga nasawi sa landslide sa Maco, may naitala ring 21 nasawi dahil sa baha, pagkalunod at landslides sa iba pang lugar ng Davao de Oro at Davao del Norte, ayon sa provincial disaster risk reduction and management offices.
Ang trahedya ay dulot ng ilang araw na pag-ulan sa bahagi ng Mindanao na sanhi ng Northeast Monsoon o Amihan at trough of a low pressure area (LPA), ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Apektado nito ang Northern Mindanao, Davao, Soccsksargen, Caraga at Bangsamoro region.
Nagdeklara ng state of calamity sa lalawigan ng Agusan del Sur at sa bayan ng Lingig sa Surigao del Sur. —FRJ, GMA Integrated News