Nahuli-cam ang ginawang pandurukot ng isang miyembro umano ng “Ipit Gang” mula sa bag ng isang estudyante sa Santa Mesa, Maynila.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Huwebes, mapapanood sa CCTV ang paglalakad ng isang lalaking nakaputi sa Ramon Magsaysay Boulevard.

Ilang saglit pa, makikitang pabalik siya at tila may sinusundan.

Sa isa pang kuha ng CCTV, makikita ang lalaki na nasa likod na ng tatlong estudyante, at dumudukot na pala mula sa bag ng estudyanteng nasa kaniyang harapan.

Natangay ang cellphone ng biktima saka lumayo ang salarin.

Ayon sa barangay, halos mga kalalakihan ang mga miyembro ng Ipit Gang, na sinasabayan ang mga estudyante sa pagsakay sa jeep.

Kung minsan, magpapalit ng damit ang mga salarin pagkakuha sa mga gamit ng mga biktima.

Ayon sa barangay, hindi na mabilang kung gaano karami ang nanakawan ngayong taon.

Nakipag-ugnayan na ang barangay sa pulisya sa pagtugis sa mga salarin, at napagkasunduang maglalagay sila ng outpost. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News