Nagiging aktrasyon ngayon ng Maynila para sa mga namamasyal ang iconic at makasaysayang Manila Clock Tower na may museum na rin.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa GTV "State of the Nation" nitong Miyerkules, sinabing 1930s nang itayo ang naturang tore ng orasan kasama ang mismong city hall ng Maynila, na idinisenyo ni architect Antonio Toledo.
Halos 100 feet ang elevation nito at mayroon itong apat na clock faces na nakaharap sa Intramuros, Bonifacio Shrine, Rizal Park at Palasyo ng Malacanang.
Bukod sa pagbibigay ng tamang oras, puwede na rin ngayong akyatin ang tore na may 200 steps.
Sa tuktok ng tore, makikita ang 360 degrees view ng Maynila. Bukod dito, isa na rin itong museyo.
Ayon kay Jose Ma. D. Belmonte, project head ng Manila Clock Tower museum, ginawa nila ito para lalo pang ipromote ang kultura ng mga Manileno.
Makikita sa museo ang mga larawan sa nangyaring digmaan noon napinsala ang Maynila, mga vintage explosives na ginamit noong World War II.
Ngayong National Arts month, makikita rito ang iba’t ibang obra ng mga artist.
Bukas ang Tower Clock museum mula 10:00 am hanggang 3:00 pm, mula Martes hanggang Biyernes. Pero bago magpunta, magpa-schedule muna sa kanilang official social media page. -- FRJ, GMA Integrated News