Wala ng buhay nang matagpuan ng mga tauhan ng Philippine Coastguard ang 18-anyos na lalaki na nalunod sa Pasig river nitong Miyerkules ng hapon.
Dakong 2:00 pm nang rumesponde ang mga tauhan ng PCG sa Sandoval bridge sa Barangay Maybunga sa Pasig para hanapin ang biktimang si Japeth Javier.
Isang oras ang nakalipas nang matagpuan nila ang katawan ng biktima.
Kwento ng mga kaibigan ng biktima na Itinago namin sa pangalang Boy at Jose edad 17 at 16.
Ala una ng hapon nang magpunta silang magkakaibigan sa may ilog para tumambay at nagkayayaan daw silang maligo.
Kasama ng biktima sa ilog si Boy, kwento nya sa GMA Integrated News, hanggang balikat lamang daw nila ang tubig kanina sa ilog kaya naman Itinuloy nila ang paliligo.
Pero Bigla na lamang daw silang napadpad ni Javier sa malalim na parte ng ilog.
Nagkaharutan daw kasi sila ni Javier hanggang sa parehas na silang malunod.
“Hanggang dito lang po un. Tapos? Lumalayo kami konti tapos naghaharutan kami pagtulak niya po sa akin parehas na po kaming nalunod. Dumulas po ako sa burak tapos pumipiglas wala na po ako matapakan. Ung kasama mo ano nangyari? Nalulunod na rin po,” kwento ni Boy.
Kahit di raw marunong lumangoy si Jose, sinubukan niyang sagipin ang mga kaibigan.
Pero isa lang daw sa mga kaibigan ang kanyang naisalba.
“Nagulat na lang po ako sumisigaw yung isa sabay tumakbo na po ako papunta doon sabay ito po nasagip ko, yung isa po hindi ko nahawakan eh kasi sobrang lalim na po sa dulo,” kwento ni Jose sa GMA Integrated News.
Sinabi naman ng mga opisyal ng barangay na ilang beses na silang nakasita ng mga kabataan na tumatambay at naliligo sa ilog. -- FRJ/BAP, GMA Integrated News