Isang van at isang bus ang sumalpok sa mga concrete barrier sa EDSA nitong Linggo ng umaga.

Kuwento ng driver ng van, galing siya ng Cubao at maghahatid sa Taguig nang may sumabit sa gulong niya pagbaba niya sa southbound lane ng EDSA-Ortigas flyover, ayon sa ulat ni Luisito Santos sa Super Radyo dzBB.

Nawalan daw siya ng kontrol sa manibela kaya sumalpok ang minamaneho niyang sasakyan sa mga concrete barrier.

Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), pitong concrete barrier ang nasalpok ng van. Nayupi ang harap ng nasabing van.

Bumangga naman ang paparating na bus na nasa EDSA Busway sa concrete barrier na unang nabangga ng van.

Wala namang naiulat na nasaktan sa mga sakay ng van at ng bus.

 

 

 

Pansamantalang nagdulot ng mabigat na trapiko ang insidente dahil isang lane na lang ang nadaanan ng mga motorista at ng mga bus. —KG, GMA Integrated News