Arestado ang isang 41-anyos na babae at kasama niyang 17-anyos na binatilyo matapos masabat sa kanila sa buy-bust operation ang mahigit P1.4 milyong halaga ng shabu umano sa Navotas City.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing isinagawa ng mga awtoridad ang drug buy-bust operation sa labas ng isang convenience store sa Barangay NBBS, Dagat-dagatan.
Dumating ang mga target ng operasyon sakay ng tricycle, saka nila nilapitan ang pulis na nagpanggap na buyer.
Nang magkaabutan na ng droga at pera, doon na pinadapa ng pulis ang mga suspek. Dumayo pa ang mga suspek sa Navotas mula sa Laguna.
Ayon sa Navotas City Police, ang babae ang nagsu-supply ng shabu sa Navotas at Malabon, habang ginagamit niyang kasangkapan ang menor de edad.
Nakuha mula sa mga suspek ang nasa 220 gramo ng shabu umano na nagkakahalaga ng mahigit P1.4 milyon.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa source ng droga.
Hindi ito ang unang beses na nadawit ang babaeng suspek sa kasong may kinalaman sa droga.
Dati na rin siyang nakulong sa Malabon. Matapos makalaya, lumipat siya ng karatig-lugar. Ihahabilin ng pulisya sa DSWD ang menor de edad.
Mahaharap ang dalawa sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. – Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News