Nagulantang ang mga residente at opisyal ng Barangay Krus na Ligas, Quezon City matapos madiskubre sa kalsada ang isang fetus na nakasilid sa plastic bag. At nang suriin, mas ikinagulat pa nila na hindi ito fetus ng tao.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing dinala sa barangay hall ang plastic bag Lunes ng hapon, na ikinagulat ng mga tauhan at opisyal ng barangay.
Sa isa pang kuha ng CCTV, mapapanood na may hawak na puting tela ang isang taga-barangay na galing umano sa katapat na simbahan.
Dalawang menor de edad na lalaki ang nagdala ng plastic, na kanilang kinuha sa simbahan para umano pamisahan.
Nang suriin ang laman ng plastic, mas ikinagulat ng mga taga-barangay ang kanilang natuklasan.
“Nakita ko na meron siyang mga kuko, four fingers lang naman siya, hindi ‘yung kamay. Tapos noong biglang chineck pa namin siyang mabuti, may nakita akong buntot,” sabi ni Kagawad Irene Dela Cruz, Barangay Krus Na Ligas.
“Doon ko nasabi na hindi siya fetus [ng tao]. Pusa siya,” dagdag pa ni Dela Cruz.
Nang puntahan ng GMA Integrated News ang napabalitang kalye kung saan nakita ang fetus ng pusa, namataang maraming pusa roon.
Ayon kay Evelyn Ysene, naglilinis siya sa lugar ng mga oras na iyon nang makita ang fetus ng pusa.
“Nakikita ko po na may ulo eh, tsaka may kamay kaya natatakot po ako. Bilang isang nanay siyempre nakikita ko na, natatakot ako, ang bata pa bakit ginawa ng nanay na magpalaglag ng bata na ganu’n ganu’n na lang. Kawawa ‘yung baby,” sabi ni Ysene.
Dito na niya inutusan ang dalawang menor de edad na dalhin ang fetus sa barangay.
Inilibing ito kalaunan ng mga taga-barangay matapos matiyak na fetus ng pusa ang nasa plastic. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News