Arestado sa Tondo, Maynila ang isang 50-anyos na lalaki matapos siyang ireklamo ng panghahalay umano sa isang menor de edad.
Nahuli ng Baseco Police ang suspek nang pinuntahan nila kasama ng umano'y biktima ang isang bahay sa Barangay 118 nitong Huwebes, ayon sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Lunes.
"Since ho noong 7:30 ng umaga, hanggang doon sa 5:30 ng hapon, maraming beses po siyang hinalay, according sa revelation ng bata," ani Baseco Police station commander Police Lieutenant Colonel Emmanuel Gomez.
Ayon sa Baseco Police, ibinugaw daw sa suspek ang biktima sa halagang P200.
Nakapagsumbong ang biktima kaya nakalapit sila sa pulis.
"In her revelations, kapag siya ay tumututol o pumapalag, pinapalo siya ng cellphone," ani Gomez.
Nakumpirma naman ng medico-legal report ang sinasabing panghahalay, ayon sa Baseco Police.
Giit naman ng suspek, hindi totoo ang mga paratang. Sa katunayan daw ay ka-live-in niya ang biktima ng mahigit dalawang buwan na.
Mahaharap sa kasong statutory rape ang suspek.
Inaalam naman ng pulisya kung sino ang sinasabing nagbugaw sa bata. —KG, GMA Integrated News