Kasabay ng pagbatikos sa hakbang na People's Initiative para amyendahan ang Saligang Batas, kapuwa may banat sina dating pangulong Rodrigo "Digong" Duterte at anak niyang si Davao City Mayor Sebastian "Baste" Duterte, laban kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.
Sa pagtitipon nitong Linggo sa Davao City para kontrahin ang PI, inakusahan ni Rodrigo si Marcos na isinusulong ang Charter change para magtagal sa kapangyarihan.
Giit ng dating lider ng bansa, walang problema sa kasalukuyang Saligang Batas.
"Ang batas na binigay ng Constitution sa Congress, sa lawmakers, they can make notes everyday, modify, change it if you want. Every week. OK lang 'yan. Huwag niyo pakialaman ang Constitution kasi yun ang bahay opisyal ng Pilipino...anak ka ng...bakit pumasok sa utak ninyo 'yang people’s initiative? Anong nakain ninyo? There’s nothing wrong with the Constitution right now," pahayag niya sa rally, na kasabay naman ng Bagong Pilipinas kickoff rally sa Quirino Grandstand sa Manila, na dinaluhan ni Marcos.
Tinawag din niya na "bangag" ang pangulo, at nasa listahan umano ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang pangalan nito.
"Nung ako mayor, pinakitaan ako ng evidence ng PDEA. Doon sa listahan, nandoon yung pangalan mo," ani Rodrigo. "Ayaw kong sabihin 'yan kasi magkaibigan tayo. Kung 'di man magkaibigan, magkakilala. Eh ikaw eh, pumapasok kayo nang alanganin. Mr. President, baka susunod ka sa dinaanan ng tatay mo [Marcos Sr]. Diyan ako takot. Ayaw ko mangyari sa iyo 'yan. Ako lang nagmamakaawa kasi it will divide the nation at madugo itong panahong ito."
Napatalsik sa kapangyarihan si Marcos Sr., sa People Power revolution noong 1986 matapos ang mahigit 20 taon sa Palasyo.
Ayon pa kay Rodrigo, kasama sa plano ng people's initiative ang ibalik sa parliamentary system ang gobyerno.
"Huwag kayo magpaloko. Alam mo, parliament, ang bisyo niyan, karamihan galing kay [First Lady] Liza Marcos, pati kay [Speaker Martin] Romualdez. Si Bongbong, bangag iyan. That’s why sinasabi ko na sa inyo ngayon, si Bongbong Marcos bangag noon, ngayong presidente na, bangag ang ating presidente. Kayong mga military, alam ninyo 'yan. Lalo na 'yung nasa Malacañang. Alam ninyo. The Armed Forces of the Philippines, alam ninyo. May drug addict tayo na presidente, p-ng inang iyan," patuloy ng dating pangulo.
Nanawagan siya sa militar at pulisya na protektahan ang Konstitusyon.
"Kung nakikinig kayo, gusto niyo iwasan ang dugo, kayo lang makakapigil nito. Tigilin niyong kalokohan na 'yan or yung mga rally na ganito will multiply all over the Philippines," saad niya.
"Alam ninyo kung hindi na talaga ito mapigilan, andiyan ang military at police, makinig kayo… pag-aralan ninyo kung anong pinapakain nila sa taumbayan, at pagka nakita ninyo kung ano ang mali, you correct it. Nasa inyong kamay na 'yan," dagdag ni Rodrigo.
Inungkat din ni Rodrigo ang kaso niya sa International Criminal Court, at iniugnay kay Marcos.
"Ayun ang bakit ako nagkaroon ng kaso ng ICC. Sabi nila pinapagpatay ko daw 'yung mga drug pusher at drug addict. Mabuti na lang wala na ako sa puwesto baka kasali ka pa, Mr. President," sabi ng dating pangulo.
"Pinilit ninyo kami, kayo yung nag-ano…kayo yung…sa Bisaya, kinikitoy mo ang Pilipino. You are testing the waters...You are pushing to the limits ang pasensya ng Pilipino. Huwag na huwag mong gawin 'yun. Huwag mong gawin 'yan, tayo magkagulo. Pag di namin napilitan kayo sa mga rallies, sa mga boses ang sentimiyento namin…sorry…ang sinasabi ko sa military… naghe-hemmorhage ang bayan. Gastos dito, gastos doon. Tapos kung mag-i-speech, ang pinag-usapan and p-g inang pobreng Pilipino. Ang military, maawa kayo sa bayan. 'Pag 'di namin kaya, gawin na ninyo. Gawin na ninyo, kawawa ang Pilipino," giit niya.
Marcos, hinamon ni Baste
Sa hiwalay na talumpati ni Davao City Mayor Sebastian Baste nitong Linggo ng hapon, hinamon niya si Marcos na magbitiw kung wala na itong pagmamahal sa bansa.
“Mr. President, if you do not have love or have no aspirations for your country, resign,” ani Baste sa ulat ni Rgil Relator ng GMA Regional TV sa GMA News 24 Oras Weekend.
“You are lazy and you lack compassion… All of these things that he is causing in oppressing the people. So there, he is putting politics first, their self-preservation of their political lives. They are not doing their jobs first,” sabi pa niya sa harap ng mga opisyal ng Davao City at mga tagasuporta nila sa leader’s forum na people’s initiative (PI) ang pangunahing paksa.
Inakusahan din niya na pananatili nang matagal sa kapangyarihan ang motibo sa likod ng PI.
Sa kaniyang talumpati sa anti-PI rally na dinaluhan ng kaniyang ama, ipinaalala ni Baste kay Marcos ang sinapit ng dalawang dayuhang lider na sina Russian emperor Czar Nicholas II at Benito Mussolini.
“Just a simple message sa ating Pangulo: From now on, before you go to bed, think of the Romanovs. Think of Benito Mussolini and his wife. And think of what happened to you in 1986 and maybe you'll reconsider the direction that you are taking,” anang alkalde.
Tinutukoy ni Baste ang dating Russian emperor na si Nicholas II ng House of Romanov, at ang pamilya nito na nilikida ng mga bumihag sa kanila noong 1918.
Samantalang si Mussolini ay dating lider ng Italya na kumampi kay Adolf Hitler noong World War II, na nilikida rin dahil sa war crimes.
Anak ni Rodrigo si Vice President Sara Duterte, habang kapatid ng huli si Baste.
Sa Article 7, Section 8 ng Saligang Batas, nakasaad na hahalili ang pangalawang pangulo kapag namatay, nagbitiw, o hindi na kayang gampanan ng nakaupong pangulo ang kaniyang tungkulin.
"In case of death, permanent disability, removal from office, or resignation of the President, the Vice-President shall become the President to serve the unexpired term," saad sa batas.
Nakahilera rin sa pila na maaaring humalili sa pangulo-- kasunod ng bise presidente-- ang Senate President, at Speaker of the House."
Samantala, wala pang pahayag ang Palasyo kaugnay sa mga sinabi ng mag-amang Rodrigo at Baste Duterte.-- FRJ, GMA Integrated News