Sinagot ni Speaker Martin Romualdez ang mga akusasyon ng mga senador laban sa kaniya at sa Kamara de Representantes kaugnay sa hakbang na people's initiative (PI) para amyendahan ang 1987 Constitution. Mungkahi niya sa mga senador, magtrabaho at sundin ang "parliamentary courtesy."
Sa pulong balitaan nitong Biyernes, sinabi ni Romualdez na dapat pagtuunan ng pansin ng Senado ang kanilang trabaho na ipasa ang mga prayoridad na panukalang batas ng administrasyong Marcos sa halip na batikusin ang Kamara at iugnay sa PI.
"Tapos na ang trabaho ng House of Representatives [Kamara] . Tapos na lahat ng assignment. Iyong senador, hindi pa tapos. Tapusin niyo [Senado] ang trabaho niyo. Naghihintay ang mga Pilipino. Kadugay (ang bagal)," pahayag ni Romualdez nang tanungin ng mga mamamahayag sa Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) meeting na hindi natuloy nitong Huwebes.
Inakusahan din si Romualdez ng pinsan niyang si Sen. Imee Marcos na sinasalungat umano ang kagustuhan ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., na huwag nang ituloy ang PI.
Bukod sa itinuturo si Romualdez na siyang nasa likod ng PI, sinabi ni Sen. Imee na may inilaan umano na tig-P20 milyon sa bawat distrito kaugnay ng PI.
Pero ayon kay Romualdez, na dati nang itinanggi na may kinalaman siya sa pangangalap ng pirma para sa PI, ang paggawa ng batas ang trabaho ng Kamara at Senado.
"Wala kayong pakialam sa PI," ani Romualdez. "Trabaho 'yan ng taumbayan. Ang Congress at senator, ang trabaho, legislation. PI is power of the people. Buckle down to work. There is only 24 of you, get your act together. Focus on your work. Stop hitting on Congress and maintain parliamentary courtesy."
Una rito, lumagda sa isang manifesto ang lahat ng senador para tutulan ang PI, at hakbangin tungkol sa Charter change na pagsasamahin ang boto ng mga senador at kongresista.
Tungkol sa alegasyon ng P20 milyon alokasyon umano sa bawat distrito, sabi ng lider ng Kamara, "Maraming marites (tsismosa) diyan sa Senate. All speculation."
Sumulat na si Romualdez kay Senate President Juan Miguel Zubiri para tiyakin ang suporta ng Kamara sa Senate's Resolution of Both Houses 6, na layong amyendahan ang economic provisions sa Saligang Batas.
"The House of Representatives, despite the very toxic rhetoric coming out of the Senate... we would like to suggest to the leadership to exercise parliamentary courtesy and that they behave more properly. I wrote the letter to assuage any hurt feelings that they have," ayon kay Romualdez.
"Kung ano-ano lumalabas diyan eh, hindi natin pinapatulan kasi walang basehan. We do not dignify statement that are divisive. We respond to calls for unity, sobriety, and for everyone to work together for betterment of the Filipino," dagdag niya.
Sinusubukan pa ng GMA News Online na makuhanan ng reaksyon ang mga senador sa pangunguna ni Zubiri at Senate Majority Leader Joel Villanueva. — may ulat si Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News