Sa kulungan ang bagsak ng apat na Koreano dahil sa pag-uumpisa umano ng gulo sa labas ng isang bar sa Taguig City.

Sa ulat ng GTV Balitanghali nitong Biyernes, sinabing inawat ng guwardiya ang mga dayuhan ngunit hindi tumigil ang mga ito kaya tumawag na siya ng pulis.

Dinala sa presinto ang mga Koreano, at natuklasang magkakakilala at magkakasama silang nag-inuman.

Hindi pa natutukoy ang dahilan ng kanilang pinag-awayan.

Mahaharap sa reklamong alarm and scandal ang mga dayuhan na wala pang pahayag.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News