Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki na nagnakaw ng rim ng motorsiklo ng kaniyang kapitbahay, matapos siyang hulihin nito sa pamamagitan ng citizen’s arrest sa Santa Cruz, Maynila.
Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang insidente sa Oroquieta Street sa Barangay 366 ala-una ng madaling araw nitong Martes.
Makikita sa CCTV na tila may inaabot ang suspek.
Saglit siyang umalis at nang bumalik, may dala-dala na siyang bakal na kaniyang ginamit para manungkit ng isang pares ng rim ng motorsiklo.
Sa isa pang kuha ng CCTV, makikitang naglalakad na ang suspek palabas ng eskinita na pasan sa balikat ang kinuhang gamit.
Pagmamay-ari ng biktimang si Jonard Valencia ang rim, na narinig ang kaluskos sa labas ng bahay noong mga sandaling iyon ngunit binalewala niya lamang ito.
Ngunit kinaumagahan, nakita niyang nawawala na ang rim ng kaniyang motor.
Agad niyang nakilala sa CCTV footage ang suspek na kapitbahay niyang si Janric Concepcion. Inikot niya ang lugar para hanapin ito.
Dagdag ng biktima, ilang beses na siyang ninakawan ng suspek kaya napuno na siya.
Siya mismo ang nagdala sa suspek sa presinto sakay ng motorsiklo.
Nabawi ang ninakaw na rim na nagkakahalaga ng P5,000.
Agad kinulong at sinampahan ng kasong theft ang suspek, na umamin sa pagnanakaw.
Nagpaalala ang mga awtoridad na maaaring gawin ang citizen’s arrest kung may pagkakataon ang sinomang mabibiktima ng krimen. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News