Sugatan ang isang babaeng Korean national matapos siyang itulak at pagnakawan ng isang grupo na tumatarget sa mga dayuhan sa Taguig City. Ang babaeng nanulak sa kaniya, arestado.
Sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Miyerkoles, makikita na nakabenda at naka-cast ang mga kamay ng biktima sa Fort Bonifacio Police Sub-Station pasado hatinggabi.
Ayon sa Fort Bonifacio Police, kasama ng babae ang mga kaibigan niyang kapwa Korean, nang lumapit sa kanila ang apat na babae at isang lalaki.
Bandang 8 p.m., nasa tapat ng traffic light ang grupo ng biktima at naghihintay na makatawid, habang may kausap sa cellphone ang biktima.
Ilang saglit lang, tinulak siya ng lalaking salarin mula sa likod, samantalang tinulak din siya ng mga babae mula naman sa harap, dahilan kaya siya natumba.
Nang makatayo, dito niya napansin na wala na ang kaniyang sling bag na naglalaman ng mga mahahalagang gamit.
Sinundan ng biktima ang lalaking salarin sa isang parking, at tiyempo namang may mga marshal, na rumesponde sa insidente.
Nagpulasan ang mga suspek matapos ang komosyon, ngunit isa sa kanila ang naiwan sa parking area, na ayon sa abogado ng biktima ay siyang may hawak ng sling bag.
Nakumpirma ito nang tawagan ang cellphone ng biktima at mag-ring ito sa bag ng suspek.
Dito na inimbitahan ng mga BGC marshal ang suspek. Ngunit ang suspek, pumalag pa at minura umano ang mga marshal.
“Nagawa ko lang ho ‘yun para sa anak ko,” saad ng suspek na si Leonida Ramirez.
Ayon sa kaniya, inalukan siya ng P1,500 para sumali sa grupo, na ang gagawin lang ay kunwaring aawat hanggang sa makuha ang target nilang gamit.
Pag-amin ng suspek, nagawa na rin nila ito sa loob ng isang bus.
Si Ramirez din ang itinuturong tumulak sa biktima, at siya rin ang kumagat sa braso ng biktima na nagrereklamo rin, bagay na itinanggi ng suspek.
“Paano nangyari ‘yon? May pustiso ‘yung ipin ko, paano nangyaring nakakagat ako, eh ‘di natanggal ‘yung unahan ko?” sabi ng suspek.
Kakasuhan ng robbery at physical injury ang suspek. — VBL, GMA Integrated News