Sinabi ni Speaker Romualdez na itinanggi ng ilang retiradong heneral na nakausap niya na sinusuportahan umano ng alumni ng Philippine Military Academy (PMA) at iba pang grupo ng military retirees ang hakbang para guluhin ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.
Sa isang pahayag nitong Lunes, sinabi ni Romualdez na nasa 22 retiradong heneral ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kaniyang nakausap at tiniyak ang suporta nila kay Marcos.
“We are all here today, united, to air our support to President Ferdinand Marcos, Jr, his administration, and the leadership of the House of Representatives and the Senate,” saad ni Admiral Danilo Abinoja, chairman and chief executive officer ng Philippine Military Academy Alumni Association, Inc., sa nasabing pulong.
“We continue to abide by and vow to defend the Constitution, and the duly-constituted authorities. That is our oath, then and until now,” dagdag niya.
Una rito, itinanggi rin ng pamunuan ng AFP at Philippine National Police (PNP) na mayroong destabilization plot laban sa gobyerno. Gayunman, sinabi ng kapatid ng pangulo na si Senador Imee Marcos, na "galing sa loob" ang umano'y destab plot.
BASAHIN: Sen. Imee tungkol sa umano'y destab plot vs Marcos gov't: 'Galing mismo sa loob'
Sa pahayag na inilabas ng tanggapan ni Romualdez, sinabi umano ni Abinoja na suportado rin si Marcos ng mga iba pang paaralan na para sa mga servicemen gaya ng Navy, Air Force at Coast Guard.
“In fact, the Association of Service Academies of the Philippines is issuing a manifesto of support to President Marcos and his administration,” anang retiradong opisyal.
Nakasaad din sa pahayag na sinabi umano ni retired Major General Marlou Salazar, Vice President ng National ROTC Alumni Association, Inc., na tutol ang kanilang grupo sa ano mang pagtatangka na guluhin ang Marcos administration.
“Ayaw naming magkagulo. A kingdom should not be divided if we want it to succeed,” ani Salazar.
Inihayag naman ni retired General and Philippine Military Academy Retired Alumni Association chairman Raul Gonzales na, "We support the sentiments of the PMA alumni here today and we are duty-bound to defend the Constitution even now that we are out of service. Some have different beliefs, but the general membership is united in defending this government.”
Ipinakita naman ni retired General and Association of Generals and Flag Officers (AGFO) vice chairman Gerry Doria ang kopya ng resolusyon ng PMA Class 75 na nagsasaad ng pagkondena sa “abhorring acts that undermine the economic, social and political gains that the current administration has put up over the years.”
Pinasalamatan naman ni Romualdez ang mga retiradong heneral sa pagpapahayag ng suporta sa gobyerno.
“We are happy to receive you here and listen to you. Words are not enough to express our gratitude to all of you. We are always sensitive, responsive, and reflective of what you have to say even after you left the service. We value all that you share here today," ani Romualdez.—FRJ, GMA Integrated News