Inihayag ni Vice President Sara Duterte nitong Lunes na tatakbo siya sa darating na 2025 mid-term elections.
Sa ulat ng Jandi Esteban ng GMA Regional TV One Mindanao sa GMA News 24 Oras, sinabing ginawa ni Duterte ang deklarasyon sa kaniyang talumpati sa isang pagtitipon sa Davao City.
"Narinig ko na ang aking kapatid na sina Mayor Baste at Congressman Pulong, na nagsabi na hindi na tatakbo sa susunod na eleksyon. Kaya narito ako ngayon para mangampanya sa inyo dahil tatakbo ako sa susunod na eleksyon," ayon sa pangalawang pangulo.
Si Baste [Sebastian] ang kasalukuyang alkalde ng Davao City, habang Davao City 1st District Representative naman si Polong [Paolo].
Hindi naman binanggit ni Duterte kung anong partikular na posisyon ang tatakbuhan niya sa 2025 elections. Sa naturang halalan, maghahalal ang mga botante ng mga kandidatong senador, kongresista at mga lokal na opisyal.
Sa 2028 pa matatapos ang termino ni Duterte bilang pangalawang pangulo. Kasabay nito ang halalan para sa pagboto ng bagong pangulo at pangalawang pangulo.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makakuha ng pahayag sa Office of the Vice President.
Kasabay nito, nagpahayag din ng pagkadismaya si Duterte sa umano'y pamimili ng pirma para sa people's initiative na paraan sa pag-amyenda sa Saligang Batas.
"It is an insult to the ordinary and poor Filipinos. It reflects the character of politicians, of vote-buying during elections, so nakakasama ng loob na ginaganoon yung mga tao na kailangan pa suhulan para papirmahin sa people’s initiative," ayon kay Duterte. — FRJ, GMA Integrated News