Pinakawalan na ng Philippine National Police (PNP) mula sa kanilang "restrictive custody" ang pulis na itinuturong utak sa pagkawala ng beauty queen ng Tuy, Batangas na si Catherine Camilon matapos siyang sibakin sa serbisyo.
"Since he [Police Major Allan de Castro] was dismissed from the service, he is now released from our custody. Kumbaga, wala na siya (sa amin sa PNP). But still the criminal case will be pursued by the PNP," ayon kay PNP chief Police General Benjamin Acorda Jr. sa press conference nitong Lunes.
Dati nang itinanggi ni De Castro na may nalalaman siya sa pagkawala ni Camilon. Pero ayon sa PNP, inamin ni De Castro na mayroon silang relasyon ng biktima kahit may asawa na ang pulis.
Ayon kay Acorda, patuloy na susubaybayan ng PNP ang kinaroroonan ni De Castro para madaling maisisilbi ng mga awtoridad ang warrant of arrest kung magpapalabas ang korte.
Kasalukuyang nagsasagawa ng preliminary investigation ang piskalya ng Batangas kaugnay sa reklamong kidnapping and serious illegal detention laban kay De Castro.
Kasama sa reklamo ang driver-bodyguard ni De Castro na si Jeffrey Magpantay, at dalawang "John Does," o wala pang pagkakakilanlan.
Batay sa testimonya ng saksi, nakita nila si Magpantay na nag-uutos sa dalawang lalaki habang inililipat ang walang malay na babae na duguan sa isang sasakyan.
Kamakailan lang sumuko sa pulisya si Magpantay.
Umaasa ang pamilya ni Camilon na magsasalita na si Magpantay at magkakaroon na ng linaw ang nangyari sa biktima at malaman kung nasaa ito--at kung buhay pa o patay na.
Oktubre 12, 2023 nang huling makita sa isang mall sa Batangas si Camilon. Oktubre 26, 2023, nang isailalim sa kostudiya ng Police Regional Police Office 4A si De Castro matapos maging persons of interest sa kaso.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na kakatagpuin ni Camilon si De Castro nang araw na nawala ang biktima.
Nitong nakaraang linggo, sinabi ni Police Regional office (PRO) 4A chief Police Brigadier General Paul Kenneth Lucas na sinibak na sa serbisyo si De Castro na epektibo noong Enero 16.
Ayon kay Lucas, sinibak sa serbisyo si De Castro dahil sa conduct unbecoming of a police officer, nang makipagrelasyon siya kay Camilon gayung may pamilya na siya.-- FRJ, GMA Integrated News