Isang rambol ang naganap sa gitna ng kasiyahan sa Pista ng Sto. Niño sa Tondo, Maynila, kagabi kung saan nagkabatuhan ng bote at upuan ang dalawang grupo.
Ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Lunes, lima ang sugatan sa insidente.
Sa kuha ng CCTV ng barangay, makikitang isang grupo ng lalaking naka-blue na T-shirt ang dumating sa lugar. Maya-maya pa ay nagkagulo na hanggang sa dumating ang mga pulis.
"Nanghamon po talaga. Makikita po sa CCTV na tamang-away na sila," ani Michelle Baron, asawa ng isa sa mga sugatan, tungkol sa mga naka-blue na lalaki.
Ayon naman sa kuwento ng asawa ni Michelle na si Eladio, bukod sa tama ng bote ay tinangka pa siyang saksakin ng mga suspek.
Hindi raw bababa sa lima sa kanilang kapitbahay at kaanak ang nasugatan sa gulo, ayon sa mag-asawa.
Ayon sa barangay officials, hindi residente ng lugar ang mga lalaking naka-blue na T-shirt na hindi na inabutan ng mga rumespondeng otoridad. —KBK, GMA Integrated News