Isang lalaking gumamit ng social media para may makilala ang nabiktima ng sextortion, o ang panghuhuthot ng pera kapalit ng 'di paglalabas ng maseselan niyang video.
Ayon sa ulat ni Raffy Tima sa 24 Oras Weekend, pumalag pa noong una pero wala na ring nagawa nang pagtulungan ng tatlong pulis at padapain sa lupa ang suspek sa Bago Bantay, Quezon City.
Nakuha mula sa kanya ang cellphone na hinihinalang gamit niya para kunan ang pribadong aktibidad nila ng naging biktima.
Ayon kay alyas "Francis," ang 35-anyos na biktima, nakilala niya ang suspek sa social media nitong December 16.
Agad daw siyang nagyayang makipagkita. Noong gabi ring iyon at may nangyari raw sa kanila. Dito na rin daw pala siya kinunan ng video ng suspek.
"Habang tinatanong ko siya 'anong ginagawa mo, kinukuhanan mo ba ako,, dine-deny niya tapos pag titingnan ko po, nililipat niya sa parang second na tab na nanonood daw siya ng porn," ani Francis.
December 17, nagsimula na raw maghingi ng pera ang suspek kapalit ng hindi pagpapakalat sa maselang video. Dala ng takot, nagpadala ng pera ang biktima.
Mula noon, halos araw-araw na raw kung manghuthot ang suspek hanggang umabot na sa P35,000.
Nitong Enero, nag-abroad ang biktima kaya hindi raw siya sumagot—pero ang suspek, pinuntahan daw siya mismo sa kanilang bahay.
Pina-barangay raw niya ang suspek.
"From there, pinasulat ko siya, sabi ko, 'Huwag ka nang pupunta dito, 'yun ang isulat mo, huwag ka nang pupunta dito sa bahay namin ulit, huwag mo na ako iistorbohin.' Nag promise siya doon."
Pero sa halip na tumigil, isang nagpakilalang kaibigan ng suspek ang nagpadala ng screenshot ng malaswang video at nagsimula na ring manghingi ng pera.
Isinali pa raw ang biktima sa isang social media app na tila nag-aalok ng sexual services.
Dito na raw siya nagsumbong sa mga pulis na agad nagkasa ng entrapment operation.
Sinubukan ng GMA Integrated News na makuha ang panig ng suspek pero hindi pa ito makausap dahil nakakulong siya ngayon sa Camp Crame.
"Pananakot at nanghihingi siya ng pera kaya finile namin sa kaniya ay Article 294, yung robbery extortion, ng Revised Penal Code. Dinagdag pa 'yung grave coercion pati na yung Safe Spaces Act, saad ni Police Colonel Jay Guillermo, hepe ng cybercrime response unit ng PNP-ACG.
At dahil sa paggamit ng social media, Ayon sa pnp Anti-Cybercrime Group, mas matindi pa ang magiging parusa sa suspek kung mapatunayang guilty.
"Ang penalty po niyan ay one degree higher. So katulad po ng robbery extortion, pag ang sentensiya mo ay six years to 12 years, pag napatunayan ng korte yan at ginamitan mo ito ng information communications technology, tataas po 'yan ng 12 years to 20 years," ani Guillermo. — BM, GMA Integrated News