Nang-araro ng mga pedestrian at motorista ang isang pampasaherong jeep matapos itong mawalan umano ng preno sa Nagcarlan, Laguna. Dalawa ang patay, kabilang ang isang batang dalawang taong gulang, at mahigit 14 ang sugatan.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing naganap ang insidente 5 p.m. sa Barangay Poblacion Dos, kung saan mapapanood sa CCTV ang pag-andar ng jeep bago nito tumbukin ang isang e-bike at tricycle.
Isa ring lalaki na may dalang monoblock ang tumatawid, pero dito na siya nahagip ng paparating na jeepney.
Sumampa ang lalaki sa hood, hanggang sa makaladkad at nagulungan.
Napatigil lamang ang jeepney matapos itong bumangga sa isang establisyimento.
Agad namang nagsibabaan ang mga sakay na pasahero.
Nasawi ang dalawang taong batang sakay ng isang e-bike na si Sandra Margarette Arevalo, at 45-anyos na si Henry Audije, nanghiram lang ng upuan sa kabilang kalye para sa selebrsyon ng kaarawan ng ama.
Inilahad ng Nagcarlan Police na hindi bababa sa 14 ang sugatan, karamihan ay mga mag-aaral na pauwi mula sa paaralan.
Pitong sasakyan din ang nadamay sa banggaan.
Kinilala ang jeepney driver na si Dario Dorado, na sumuko sa Nagcarlan Police.
"Aksidente lang. 'Yun lang masasabi ko. 'Di ko sinasadya, 'yun lang. Walang may gusto na mangyari 'yun," sabi ni Dorado.
Ayon naman kay Police Major Paul Raymund Ayon, hepe ng Nagcarlan Police, nalaman ng driver na nawalan siya ng preno nang may pumarang pasahero. Bukod dito, pababa rin ang kalsada kaya nagdire-diretso ang jeep.
"Medyo may katagalan na po ang jeep. Matagal na raw pong ginagamit daw according doon sa may-ari. Mini-maintain naman po raw 'yung sasakyan," sabi ni Ayon.
Humingi na ng tawad sa mga biktima at kaanak ng mga ito si Dorado, na nahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in double homicide, multiple injuries at damage to properties. — Jamil Santos/DVM, GMA Integrated News