Inamin ng Starbucks Philippines na nagkamali sila sa paglagay ng signage o abiso na naglilimita sa paggamit ng 20% discount para sa mga senior citizen na nakasaad sa batas. Inako ng kompanya ang kanilang pananagutan.
Ito ang inihayag ng Operations Manager ng Starbucks Philippines na si Angela Cole sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Ways and Means nitong Miyerkules, kaugnay sa alegasyon nilalabag ng kompanya ang batas tungkol sa discounts na ibinibigay sa senior citizens at persons with disabilities (PWDs).
“We fully acknowledge the error in the signage. We remain steadfast in extending privilege as intended,” ayon kay Cole.
“To assure everybody here, Starbucks has always and will continue to extend full discount privileges to the seniors and PWD for their personal use,” dagdag niya.
Hiniling mismo ni Speaker Martin Romualdez ang naturang pagdinig matapos mag-viral sa social media ang larawan na makikita ang kontrobersiyal na signage sa isang branch ng Starbucks.
Nakasaad sa abiso na limitado lang sa isang inumin at isang pagkain ang discount sa mga senior.
Paliwanag ni Cole, nagkamali lang sa gamit ng salita ang signage patungkol sa paggamit ng senior citizen discount.
“Specific to the signage, it is not properly worded and we are taking full accountability. We acknowledge the mistake,” ani Cole.
“We are really disappointed by the confusion caused by the erroneous signage,” dagdag niya.
Sinabi pa ni Cole na inalis na nila ang naturang signage sa lahat ng sangay ng Starbucks sa bansa.
“The signages were immediately removed. Again, we remain steadfast in extending the privileges as intended in all our stores throughout the Philippines,” pagtiyak niya.
Sinabi naman ni Albay Representative Joey Salceda, chairman ng komite, na dapat gumawa ng hakbang ang Starbucks para makabawi sa naturang pagkakamali.
Maaari umanong magbigay ng one free drink at one free croissant ang Starbucks sa mga senior citizen.
“It is so that you don’t repeat it,” ani Salceda. “You cannot just say sorry.”
Susulat umano si Salceda sa Starbucks Philippines kaugnay sa kaniyang mungkahi. —FRJ, GMA Integrated News