Manunumpa umano sa Biyernes si House Deputy Speaker Ralph Recto bilang bagong kalihim ng Department of Finance (DOF), bilang kapalit ni Benjamin Diokno.

Wala pang opisyal na pahayag tungkol dito ang Presidential Communication Office (PCO) pero kinumpirma ng asawa ni Recto, na si dating Batangas Rep. Vilma Santos-Recto ang magaganap na panunumpa sa bagong posisyon ng kaniyang mister sa Biyernes.
 
Sinabi ng actress-politician sa GMA Integrated News na gagawin ang oath-taking ceremony sa Malacañang.

Wala nang iba pang detalye na binanggit si Vilma.

Nitong nakaraang Disyembre, umugong ang mga balita tungkol sa mangyayaring pagbabago sa liderato ng DOF.

Gayunman, tumanggi si Diokno na magbigay ng pahayag at sinabing hindi siya magkokomento base sa usap-usapan lang.

“I’ll work until, as long as I’m needed in the government,” ayon kay Diokno. —FRJ, GMA Integrated News