Timbog ang isang mag-amang wanted dahil umano sa tangkang pagpatay sa kanilang nakaalitan sa isang paradahan ng tricycle sa Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing natunton ng mga operatiba ng Galas Police Station ang mag-amang sina Ian Jeff at Isagani de Luna makalipas ang ilang buwang pagtatago sa Taguig City.

Isinilbi sa mag-ama ang warrant of arrest para sa kasong attempted homicide.

Naganap ang krimen noong Oktubre 2023, base sa pulisya, kung saan pinagtulungan ng mag-ama ang nakaalitan nila sa tricycle at binugbog ito gamit ang pamalong kahoy kaya nagkasugat sa ulo ang biktima.

Ayon sa mga suspek, ipinagtanggol lamang nila ang kanilang mga sarili.

Lumabas naman sa imbestigasyon ng QCPD na dati nang nakulong ang nakababatang de Luna dahil sa paggamit at pagbenta ng droga, habang sangkot din sa droga ang kaniyang tatay.

Umamin ang mag-ama na nagtago sila, ngunit hindi nila alam na may warrant laban sa kanila.

“Sa akin po, depensa lang po kasi ‘yun kasi babagsakan po ng malaking bato ‘yung tatay ko sa mukha eh kaya nagawa ko po ‘yun,” sabi ng nakababatang de Luna.

“Anak ko ang pinagtutulungan, umawat lang ako. Ayaw nilang paawat, pati ako dinamay. Bumagsak nga ako, nawalan ako ng malay,” sabi ng nakatatandang de Luna.

Inihahanda na ang mga dokumento para sa return of warrant. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News