NANAO, Japan - Nasa 30 tao na ang iniulat na nasawi sa magnitude 7.6 na lindol na bumungad sa bagong taon sa Japan, habang patuloy ang paghahanap ng mga rescue team sa mga nakaligtas mula sa mga gumuhong bahay at gusali.
Maraming residente rin sa ilang coastal areas ng Japan ang lumikas dahil sa banta ng tsunami.
Nagpadala ang pamahalaan ng Japan ng mga sundalo, bumbero at pulis sa Noto peninsula sa Ishikawa prefecture na pinakamatinding napinsala ng lindol.
"The search and rescue of those impacted by the quake is a battle against time," ayon kay Prime Minister Fumio Kishida sa emergency disaster meeting nitong Martes.
Sinabi ni Kishida na nahihirapan ang mga rescuer na marating ang northern tip ng Noto peninsula dahil sa mga nasirang daan. Sa survey na isinagawa umano gamit ang helicopter, nakita na mayroon mga sunog at matindi ang pinsala sa mga bahay, gusali at empraestruktura.
Suspendido rin ang biyahe ng tren at eroplano patungo sa lugar. Kabilang sa napinsala ang runway ng airport ng Noto kaya sarado ito ngayon.
Tinatayang may 500 katao ang stranded sa loob ng kanilang mga sasakyan sa parking area, ayon sa ulat ng public broadcaster NHK.
Sa coastal town ng Suzu na may mahigit 5,000 pamilya ang naninirahan na malapit sa epicenter ng lindol, nasa 1,000 bahay umano ang nasira, ayon sa alkalde na si Masuhiro Izumiya.
"The situation is catastrophic," saad niya.
Sa Ishikawa prefecture, sinabi ng awtoridad na 30 ang kumpirmadong nasawi, at kalahati nito ay nasa Wajima. —Reuters/FRJ, GMA Integrated News