Hinihinalang kwitis ang dahilan ng sunog na nakatupok sa isang bahay sa Valenzuela City nitong unang araw ng taon. Samantala, may naitala ring mga sunog sa General Santos City at Davao City nitong bisperas at mismong Bagong Taon.

Nangyari ang sunog sa Barangay Arkong Bato, Valenzuela City pasado alas-diyes nitong Lunes, Jan. 1, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes.

Tumagal ang sunog ng 20 minuto bago naapula.

Ayon sa residente ng natupok na bahay, kalalabas lamang niya at napatakbo pabalik ng sumiklab ang sunog. Nagtamo siya ng sugat sa kamay.

Kuwento ng barangay captain, may bumagsak na kwitis sa bubong ng nasabing bahay.

"Sabi ho ng mga residente dito, bago kami makapunta ay ang nangyari ho ay may nagsindi daw ho ng kwitis. Eh ang binagsakan 'yung bubong na gawa ho sa tarpaulin kasi kaya doon nagmula ang sunog," ayon kay AJ Feliciano, chairman ng Barangay Arkong Bato.

Iniimbestigahan pa ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang insidente.

GenSan

Samantala, may sunog na naitala noong bisperas ng Bagong Taon sa Barangay Calumpang, General Santos City, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita base sa impormasyong nakalap ng GMA Regional TV One Mindanao.

 

Mabilis na kumalat ang apoy sa mga bahay na gawa sa light materials.

Ayon sa mga residente, may narinig silang nag-spark bago sumiklab ang sunog.

Halos walang naisalbang gamit ang mga residente.

"Estimated damages na umabot ng estimated 250 thousand. For now we are still investigating the fire incident," ayon kay BFP-GenSan public information unit chief Senior Fire Officer 2 Oliver John Alfeche.

Pansamantalang nakituloy muna ang mga apektadong residente sa kanilang mga kaanak.

Davao City

Sa Barangay Matina Crossing, Davao City naman, 18 bahay na gawa sa light materials ang natupok ng apoy noon ding bisperas ng Bagong Taon.

May naiwan daw na niluluto gamit ang kahoy, at pinaniniwalaang ito ang sanhi ng sunog.

Mahigit 100 na residente ang apektado ng sunog.

Sa kapilya gym muna sila tumuloy matapos ang sunog.

Samantala, nitong unang araw ng Enero ay dalawang bahay at isang commercial structure naman ang nasunog sa Barangay Calinan Proper sa Davao City.

Nagsimula raw ang sunog sa isang kuwarto.

Iniimbestigahan pa ng BFP ang insidente.

Tinatayang aabot sa mahigit P600,000 ang damage dahil sa sunog. —KG, GMA Integrated News