Inihayag ng mixed martial arts star na si Conor McGregor ang kaniyang comeback fight sa UFC octagon ring sa June 29 kontra kay Michael Chandler sa Las Vegas.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang UFC sa inihayag ni McGregor sa kaniyang video nitong Linggo ng gabi, ayon sa ulat ng Reuters.

"I'd like to announce the return date for myself, ‘Notorious' Conor McGregor," saad ni Irish MMA fighter McGregor sa video na naka-post sa X, dating Twitter. "The greatest comeback of all time will take place in Las Vegas, International Fight Week of June 29. The opponent, Michael Chandler -- and the weight, Mr. Chandler, 185 pounds."

 

 

Iniulat ng ESPN na nagsasanay si Chandler para sa laban kay McGregor makaraang maging coach sila sa nakaraang "The Ultimate Fighter 31" reality series.

Gayunman, walang binabanggit si Chandler tungkol sa kung kailan magaganap ang kanilang laban.

Huling lumaban si McGregor (22-6) sa UFC 264 noong July 2021 laban kay Dustin Poirier.

Pero natalo si McGregor via first-round technical knockout makaraang mabali ang kaniyang paa.

Samantala, may record na 23-8 si Chandler na dating three-time Bellator lightweight world champion.

Mula sa lightweight (155 pounds), ninais ni McGregor na maharap sila ni Chandler sa middleweight level na 185 pounds. —Field Level Media/Reuters/FRJ, GMA Integrated News