Dalawang pasahero ang nasaktan matapos silang mahagip ng isang enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa EDSA Busway sa Quezon City. Ang enforcer, nakainom umano.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Lunes, ipinakita ang video ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation Department of Transportation (SAICTDOTr) sa nangyaring insidente sa southbound ng EDSA Busway malapit sa Main Avenue sa Quezon City noong Sabado ng 1 a.m.
Makikita ang MMDA traffic enforcer na nakauniporme at pilit na itinatayo ang natumba niyang motorsiklo.
Madidinig sa video na pinipigilan ang enforcer na umalis dahil may naaksidente siya. Sinabihan din ang enforcer na, "lasing pa ata 'to, lasing."
Plano pa umano ng enforcer na umalis sa lugar pero pinipigilan siya ng mga tao. Humingi na rin ng tulong sa Coast Guard personnel na naka-duty malapit sa lugar para pigilan ang enforcer.
Ayon sa DOTr, sa naturang lugar nagbababa ng pasahero ang mga bus na dumadaan sa busway.
Inaalam pa ng GMA Integrated News team ang kalagayan ng mga nasaging pasahero.
Iniutos naman ni MMDA chairman Romando Artes na imbestigahan ang nangyari, pati na ang kanilang tauhan.—FRJ, GMA Integrated News