Niyanig ng magnitude 7.6 na lindol ang central Japan nitong Lunes at naglabas ng tsunami warning ang mga awtoridad para sa mga nakatira sa west coast.
Sa ulat ng Reuters, sinabing nawalan din ng kuryente sa libu-libong kabahayan, at naantala ang operasyon sa ilang paliparan at tren sa apektadong rehiyon.
Naunang naitala ang lakas ng lindol sa magnitude 7.6 na nagdulot ng nasa one meter na taas na alon sa baybayin ng Sea of Japan, na posibleng masundan pa, ayon sa public broadcaster NHK.
Ibinabala ng Japan Meteorological Agency ang tsunami sa mga nakatira sa coastal prefectures ng Ishikawa, Niigata at Toyama.
Naglabas din ang Russia ng tsunami warnings sa kanilang sakop na Vladivostok at Nakhodka.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang pinsala ng lindol, habang pinayuhan ang mga residente na asahan ang aftershocks.
"Residents need to stay on alert for further possible quakes and I urge people in areas where tsunamis are expected to evacuate as soon as possible," sabi ni Prime Minister Fumio Kishida sa komento na inilabas sa NHK.
Sa video footage na inilabas ng NHK, makikita ang isang gusali na napinsala sa coastal city ng Suzu. Habang nagtago sa ilalim ng lamesa ang mga residente sa Kanazawa city. Ilang gusali rin sa Tokyo ang inuga ng lindol.
Mahigit 36,000 kabahayan ang nawalan ng kuryente sa Ishikawa at Toyama prefectures, na sinusuplayan ng Hokuriku Electric Power.
Pansamantalang itinigil naman ang high speed rail services sa Ishikawa, habang nagkaaberya ang serbisyo ng telepono at internet sa Ishikawa at Niigat, ayon sa website ng telecom companies na Softbank at KDDI.
Inihayag naman ng Nuclear Regulation Authority ng Japan na walang ulat ng problema sa mga nuclear power plant sa Sea of Japan, kabilang ang limang active reactors sa Kansai Electric Power’s Ohi at Takahama plants sa Fukui Prefecture.
Ang Hokuriku's Shika plant sa Ishikawa, ang pinakamalapit sa epicenter ng lindol. Itinagil umano mga reactor bago pa man mangyari ang lindol dahil may regular inspection na gagawin, at walang nakitang pinsalang idinulot ang lindol, ayon sa ahensiya. — with Reuters report/FRJ, GMA Integrated News