May aabangan na malaking laban ngayong 2024 sa Pambasang Kamao na si Manny Pacquiao na gaganapin sa Japan.

Inihayag nina Pacquiao at Rizin Fighting Federation executive Nobuyuki Sakakibara nitong Linggo, na posibleng maganap ngayon taon ang muling pagtutuos ng Pinoy boxing legend at ni Mayweather.

Naging bisita si Pacquiao at nagsalita sa mga tao na dumalo sa Rizin 45 event nitong Linggo, December 31, sa Saitama Super Arena sa Japan.

“Thank you so much for inviting me here again. I’m sorry for the last time that we promised that I’m going to fight this year [2023]. But as Sakakibara-san explained… next year [2024]. I hope to see you in Japan again in a big fight,” ayon kay Pacquiao sabay tingin kay Sakakibara.

Si Sakakibara mismo ang nagbanggit ng pangalan ni Mayweather.

“I thought you didn’t want me to say that. But I’m excited for that. Thank you for always supporting Rizin and all his promotions,” nakangiting sabi ng Pinoy boxer.

 

 

Noong December 2022, sinabi ni Pacquiao na pumirma siya ng kasunduan para lumaban sa Japanese MMA promotion sa 2023. Pagsapit ng February 2023, inihayag na ang pro wrestler na si Kota Ibushi ang posibleng makalaban ni Pacquiao sa Rzin, pero hindi natuloy ang laban.

Iniulat din na posibleng makaharap ni Pacquiao sa exhibition fight sa boxing ang Muay Thai legend na si Buakaw Banchamek.

Taong 2015 nang unang maglaban sina Pacquiao at Mayweather, na nanalo via unanimous decision ang American fighter. —FRJ, GMA Integrated News