Dinakip ng mga awtoridad ang isang lalaki na inireklamo ng kaniyang dating nobya na nagpakalat umano ng kaniyang mga pribadong larawan at video.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, hindi na nakapalag ang suspek nang arestuhin ng mga tauhan ng PNP Anti-Cybercrime Group sa isinagawang entrapment operation.
Ayon pa sa biktima, pinadalhan ng suspek ng mga pribadong niyang larawan at video ang kaniyang mga kamag-anak kapag naghihiwalay sila.
Nagkakabalikan naman daw sila ng suspek hanggang sa muli silang maghiwalay ngayong Disyembre.
Sa pagkakataong ito, ang katrabaho naman niya ang pinadalhan ng kaniyang mga pribadong larawan at video kaya nagpasya na siyang magsumbong.
“Mabuti sana [kung] pictures na wala ang mukha ko, pati video eh. Buti sana kung isa lang, ang dami. Sobrang pag-aapak na ginawa niya, pagkababae ko sobrang ubos na,” reklamo ng biktima.
Mahaharap ang suspek sa patong-patong na reklamo, kaama ang Anti-Photo and Video Voyeurism Act and Grave Coercion.
“Ginamitan pa niya ng ICT so one degree higher na naman ang penalty niyan. So kung 6 to 12 years ang penalty niyan, magiging 12 to 20 years 'yan 'pag nasintensyahan siya ng korte,” ayon kay PNP-ACG Cyber Response Unit Chief Police Colonel Jay Guillermo. -- FRJ, GMA Integrated News