Pumanaw na ang isa sa mga nahagip ng isang SUV na umarangkada hanggang sa loob ng isang bangko sa Quezon City. Ang sasakyan, nahuli-cam na nag-atras-abante pa sa loob ng bangko.
Ayon sa Quezon City Police District, pumanaw ang biktima na isang kliyente ng bangko dakong 12:00 am habang ginagamot sa ospital.
Lima pa ang nasugatan sa naturang insidente. Nakalabas na ng pagamutan ang isang security guard, isang kliyente at isang kawani ng bangko.
Isang kawani ng bangko at isang kliyente naman ang patuloy na nananatili sa pagamutan.
Huwebes nang hapon nang umarangkada at pumasok sa loob ng bangko ang SUV. Bago nito, isang sasakyan na nakaparada sa labas ang nahagip din ng SUV.
Kliyente rin ng bangko ang driver ng SUV at kasama ang kaniyang asawa. Paalis na ang dalawa nang mangyari ang insidente.
Sa pahayag ng BDO, nakikipag-ugnayan sila sa mga awtoridad kaugnay sa nangyari sa kanilang sangay sa Lagro, Novaliches.
“The safety of customers and bank personnel are of utmost priority. The bank has provided medical attention to injured individuals and is committed to assisting them throughout their recovery journey,” ayon sa inilabas na pahayag ng BDO.
Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, nakita sa CCTV camera kung papaano pumasok sa loob ng bangko ang SUV at nahagip ang mga biktima.
Nakaharap sa bangko ang pagkakaparada ng sasakyan at papaalis na ang mag-asawa nang una itong umatras. Pero may nabangga umanong sasakyan sa likod at pansamantalang tumigil.
Maya-maya lang, umarangkada na ang SUV at pumasok na sa bangko.
Sa loob ng bangko, nag-atras-abante pa ang SUV bago tuluyang tumigil.
Ayon kay QCPD PIO Police Major Jennifer Gannaban, pito ang lahat ng nasaktan sa insidente --apat na bank clients, tatlo empleyado at isang security guard.
Sa kasamaang-palad, pumanaw ang isa sa mga nasaktang kliyente ng bangko.
“Ang apat po sa kanila ay nakalabas na ng ospital at ang dalawa ay kasalukuyan pa ring naka-confine,” sabi ni Gannaban.
Humingi naman ng paumanhin ang driver ng SUV na nahaharap sa mga reklamong reckless imprudence resulting in homicide, multiple physical injuries and property damage.
Paliwanag ng driver, “Nag-signal 'yung guard na i-atras ko 'yung sasakyan ko. Pagkatapos i-ganun ko, naatrasan pa. Hindi mapigilan 'yung sasakyan.”
“Tapos lagay ko naman sa ano, dumerecho na naman. Hanggang ganun, dumerecho sa humps. Ngayon, pumasok pa sa loob hanggang sa naaksidente 'yung mga tao sa loob. Naapakan ko 'yung accelerator, umatras pero di mapigilan 'yung sasakyan,” patuloy niya. -- FRJ, GMA Integrated News