Viral ang video ng pag-"mukbang" o pagpapak ng mga daga sa mga karne ng baboy sa isang talipapa na malapit sa Estero de Paco sa Maynila. Ang naturang tindahan, ipinasara.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa 24 Oras nitong Martes, mapapanood ang viral video na may halos apat na milyong views sa TikTok.
Sarado na ang naturang puwesto sa kanto ng Trese de Agosto nang matunton ng GMA Integrated News. Ngunit hindi pa man tuluyang nakalalapit ang team, nakunan ang dami ng mga daga na nagpapagala-gala sa puwesto.
Ayon sa barangay, hindi na nagbebenta sa tindahan ng karne ang may-ari matapos mag-viral ang video ng kaniyang puwesto.
Sinubukan ng GMA Integrated News na hanapin siya sa lugar ngunit hindi nakita.
Ayon naman sa isang kagawad, nangungungupahan lamang ang may-ari at hindi nakatira sa lugar.
"Kasi natanong ko siya bakit nag ganu'n. Sabi niya 'Eh kasi 'yung mga tauhan ko.' Nagalit siya sa mga tauhan niya ba't walang mga bantay. Di man lang nagtawag," sabi ni Morena Moreno, na nakausap umano ang may-ari.
Ipinasara ng Manila Veterinary Inspection Board ang naturang puwesto, ipinalinis, pinatakpan ang drainage sa kanal at pinangaralan ang may-ari tungkol sa food safety.
Ibinaon na sa lupa ang mga kontaminadong karne ng baboy.
"Kapag nagkaroon po sila ng violation ulit talagang ipapasara na 'yung talipapa na 'yan... Meron po kasi kaming ordinansa dito na within 200-meter radius sa palengke is bawal magtinda ng karne na sariwa. Ang makakapagtinda lang po ay yung mga frozen lang po," Dr. Nick Santos, Chief, Manila Veterinary Inspection Board.
Katabi lang ng talipapa ang Estero de Paco, kaya hinihimok ng city hall ang mga nagtitinda rito na pumasok sa palengke para makaiwas sa mga peste tulad ng daga.
Ngunit ang ilang nagtitinda, ayaw lumipat dahil nanghihinayang sila sa bayad sa upa, at sanay na rin sila sa daga.
"Eh hindi naman nangangagat 'yan takot din sa amin eh," sabi ni Teresita Morado.
"Lahat naman po ng palengke mayroong daga 'di naman po talaga maalis 'yun. Bakit hindi matatakot syempre may virus nga 'yun 'pag nakagat ka, matatakot ka. Kaya ayun, nilalason po namin para mamatay," sabi ng isa pang ginang.
Ngunit ayon kay Santos, paglabag sa Meat Inspection Code ang ganitong klaseng pagpapabaya, na may kulong ng hanggang 12 taon at multang hanggang P1 milyon.
"'Yung sakit na puwedeng makuha natin doon 'pag kinagatan ng daga, leptospirosis — 'yun 'yung naninilaw, multiple organ failure po siya maninilaw lahat ng katawan niya at hepatitis po," sabi ni Santos.
"Siguraduhin po nila na 'yung binibili nila is galing sa accredited na katayan, may permit na galing sa NMIS tsaka sariwa po 'yung karne.'' —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News