Nasawi ang isang lalaki na tumutulong makipag-ayos sa gulong kinasangkutan ng kaniyang grupo matapos bugbugin ng grupo ng naagrabyado nilang babae nitong Pasko sa Sampaloc, Maynila.
Sa ulat ni Darlene Cay sa Balitanghali nitong Martes, mapapanood ang CCTV footage ng pagkakagulo sa Galicia street bandang alas singko ng umaga.
Ilang saglit lang, makikitang pinagsusuntok ng grupo ang isang lalaking nakaputing t-shirt hanggang sa bumulagta ito sa kalye. Sa kabila nito, patuloy siyang tinadyakan at sinuntok
Tinangka silang pigilan ng nakapulang lalaki, ngunit sinuntok din ito kaya napaupo.
Kinilala ang biktima na si Molan Villamor na idineklarang dead on arrival sa ospital.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nag-umpisa ang gulo nang dumaan ang isang babae sa isang grupong nag-iinuman.
Ayon sa Manila Police District, tinawag ang babae ng isa sa mga nag-iinuman ngunit hindi umano maganda ang dating nito sa kaniya kaya nagsumbong ito sa kaniyang mga magulang.
Tinungo ng mga kaanak ng babae ang grupong nag-iinuman upang komprontahin ito, ngunit umalis ang dalawang panig na hindi nagkakaayos.
Makalipas ang ilang minuto, ang grupo ng biktima ang lumapit sa partido ng babae upang humingi ng pasensya sa nangyari.
Ngunit sa gitna ng kanilang usapan, may biglang sumuntok sa biktima.
Ayon sa saksi na kaanak din ng biktima, nagulat sila sa insidente dahil paalis na sila ng mga sandaling iyon.
"Humupa na, wala nang nagsasalita ng kung anu-ano. Akala namin okay na. Noong paalis na kami, may sumapak talaga sa pinsan ko sa likod. Wala nang kalaban-laban 'yung tao. Kung totoong ano ka, hindi mo na tatadyakan, papaluin ng bote, tatadyakan ang mukha," sabi ni Darwin Domingo.
Tinangka ni Domingo na pigilan ang mga sumusuntok ngunit hindi sila basta-basta naawat.
Dagdag pa niya, kararating lang ng biktima na hindi umuwi ng 10 buwan dahl sa pagtatrabaho bilang construction worker sa Bulacan.
Wala ring sinabi o ginawang masama umano si Villamor at tumulong lamang makipag-usap sa grupo.
Limang katao ang itinurong sangkot sa pambubugbog, kung saan apat sa kanila ay nadakip na ng pulisya, kasama ang isang 18-anyos na babae na umano ay binastos ng grupo ng biktima.
Humiling ang mga suspek na itago ang kanilang pagkakakilanlan.
Umamin ang babae na kasama siya sa mga sumuntok at sumipa dahil hindi niya napigilan ang sarili.
"Sa sobrang galit din po, kasi tinawanan din po ako ng lalaki na 'yun," anang babae.
Sinabi ng isa pang suspek na hindi nila ginusto ang insidente.
Itinatanggi ng saksi at kaanak ng biktima na minura niya ang babaeng suspek.
Isasailalim pa sa autopsy ang bangkay ng biktima, samantalang patuloy na tinutugis ng pulisya ang nawawalang kasamahan ng mga suspek.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News