Isang araw bago ang Pasko, pinatay at pinugutan ang isang security guard sa binabantayan niyang car dealership sa EDSA sa Balintawak.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Alfredo Tabing, 50-anyos.

Ayon sa asawa ng biktima, hapon nitong Linggo nang huli niyang nakausap ang asawa.

"Mga pasado alas-5 nagche-check siya kung ano ang ginagawa namin sa bahay. E, sakto po medyo busy ako kaya di kami gaanong nakapag -usap," ayon sa ginang.

"Sa isip ko, gabi ko na lang siya ulit tatawagan bago ako makatulog," patuloy niya.

Pero tumatawag ang ginang dakong 10 p.m., pero hindi na sumasabot si Tabing. Hanggang sa puntahan na ng ginang ang biktima at doon na niya nalaman ang malagim na sinapit nito.

Ayon sa ginang, wala siyang alam na nakaaway ng kaniyang mister.

"Kung sino ka man na gumawa niyan sa asawa ko, dapat sinaksak mo na lang 'wag mo nang tinanggalan ng ...," galit at naiiyak na pahayag ng ginang. "Napahayop naman ng ginawa niya. Wala namang ginagawa yung asawa ko. Pasko pa, ang ganda ng pamasko mo sa amin."

Patuloy na sinisiyat ng Quezon City Police District ang naturang krimen. —FRJ, GMA Integrated News