Inihayag ng militar ng Israel na limang bangkay ng mga bihag ng grupong Hamas ang nakuha nila sa underground tunnel network sa northern Gaza Strip.
Ayon sa ulat ng Reuters, sinabi ni chief military spokesperson Rear Admiral Daniel Hagari na hinihintay pa ang resulta ng post-mortem o autopsy sa mga biktima para malaman ang sanhi ng pagkamatay ng mga bihag.
"We will brief the families and then, depending on what they approve, the public," sabi ni Hagari.
Tatlong sundalo at dalawang sibilyan ang mga biktima, na kabilang sa tinatayang 240 katao na tinangay ng Hamas nang sumalakay sila sa Israel noong Oct. 7.
Sa inilabas na video, makikita ang pagpasok ng mga sundalo sa lagusan na paibaba na tinatayang ilang metro ang lalim. Sa Ibaba nito, nakita naman ang mga koneksyon ng tunnel na umano'y ginagamit ng Hamas.
Pero noong nakaraang linggo, naglabas ng video ang Hamas na makikita ang tatlo sa mga bihag sa makipot na tunnel na may white-tiles at tila maliit na kuwarto.
Giit ng grupo sa Israel, "Your military weapons killed the three."
Ayon sa militar ng Israel, isa sa mga tunnel ay konektado sa bahay umano ni Ahmad Al Ghandour, ang North Gaza brigade chief ng Hamas.
Sinabi ng Hamas na namatay si Ahmad at ilang pang commanders noong Nov. 26. Inihayag ng Israel na naging target nila ito ng air strikes.
Noong nakaraang linggo, iniulat ng Israeli military na tatlong bihag ng Hamas ang napagkamalang kalaban ng kanilang mga sundalo at napatay.— Reuters/FRJ, GMA Integrated News