Imbes na sa bar o kainan na nakaporma, naka-swimming attire ang ilang single na nag-"chill" sa ice bath speed dating sa California, USA.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing isinagawa ito sa Santa Monica, kung saan magkasama ang mag-date na uupo sa loob ng maliit na tub ng nagyeyelong tubig.

Tinawag ang event na "Ice Breakers."

Binigyan ang mga nagde-date ng waterproof cards na may mga tanong upang magtuloy-tuloy ang kanilang pag-uusap sa loob ng tatlong minuto.

Sikat ang ice bath sa athletes dahil nakatutulong ito sa recovery ng kanilang katawan. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News