Nadakip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Quezon City ang apat na suspek na miyembro umano ng sindikatong sangkot sa pangongopya o cloning ng credit card.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing inaabangan ng grupo ang delivery ng mga bagong credit card upang palitan ng mga peke card.
“Modus nila ay credit card tampering o credit card cloning. Itong ating mga sindikato ay umiikot sa mga junk shops, namimili sila ng used cards, o yung mga cards na tinapon, kinukuha nila, finaflaten hanggang sa maging blank card siya,” ayon kay NBI Cybercrime Division Chief Attorney Jeremy Lotoc.
“Imagine from the bank, yung mga for delivery na bank cards, during enroute, i-intercept ito ng sindikato. Pag nakuha nila yung legit na cards, ishi-shift ito, papalitan ng pekeng card. Yung dadalhin ng courier sa mga recipients ay yung cloned cards na,” dagdag niya.
Nasabat ng NBI ang mga pekeng ID at mga produktong binili gamit ang cloned cards.
“Pag nagka-abutan na ng card, sila na ang nagsasabi kung anong bibilhin ko sa mall, cellphone at laptop. May 200,000, [at may] 300,000. Pagkabili ko po, binibigay ko na sa kanila, basta ang sinasabi, 10-porsiyento ang mapupunta sa akin,” pag-amin ng isang suspek.
Kabilang sa mga reklamong isinampa sa apat na suspek ang paglabag sa Republic Act 8484 o Access Device Act, among others. Isang suspek pa ang hinahanap.
Paalala ng NBI Cybercrime Division sa publiko, sirain ang magnetic strips at chips ng mga expired o hindi na ginagamit na card para hindi makuha ang kanilang mga impormasyon.—FRJ, GMA Integrated News