Kinumpirma ni Senador Francis Tolentino nitong Martes na bibitawan na niya ang pamumuno sa makapangyarihang Senate blue ribbon committee.
Kasabay nito, inihayag ng senador na babakantihin din niya ang posisyon bilang kasapi ng Commission on Appointments (CA), na sumasala sa mga kalihim na itinatalaga ng pangulo.
βIn fulfillment of a sacred commitment to serve as Blue Ribbon Committee Chairman and Member of the Commission on Appointments for a concise term of one and half years, I find it both duty and an honor to uphold the essence of a prior agreement. This decision is rooted in a deep-seated belief that public office demands fidelity to pledges made,β pahayag ni Tolentino sa press conference.
Ayon kay Tolentino, pagtitibayin ang kaniyang pagbibitiw sa plenaryo. Pero nakabakasyon pa ang Kongreso hanggang sa January 22,2024.
Ipinaliwanag ni Tolentino na bago siya nahirang na pinuno ng Blue Ribbon committee at miyembro ng CA, may kasunduan sa liderato ng Senado ni Senate President Juan Miguel Zubiri na isa't kalahating taon lang siyang mauupo sa nasabing mga posisyon.
Bukod sa naturang kasunduan, sinabi ni Tolentino na may kinalaman ang kaniyang re-election bid sa 2025 at ang pagiging chairman ng Senate special committee on maritime and admiralty zones, sa pasya niyang iwan na blue ribbon panel at CA.
Gayunman, mananatili umano siya bilang chairman ng Blue Ribbon committee hangga't wala pang napipiling kapalit niya.
Sa ngayon, sinabi ni Tolentino, wala pang pasya kung sino ang magiging bagong pinuno ng nasabing komite, at CA.
Noong nakaraang taon, inihayag ni Zubiri na interesado si Sen. Alan Peter Cayetano, na pamunuan ang Blue ribbon committee bago napagdesisyonan na ibigay ito kay Tolentino.
Gaya ni Tolentino, isa ring abogado si Cayetano, na kabilang sa mga tinitingnan na kuwalipikasyon ng senador para pamunuan ang nasabing komite.
Sa ilalim ng pamumuno ni Tolentino, kabilang sa mga inimbestigahan ng komite ang tungkol sa planong pag-angkat ng asukal, ang laptop deal ng Department of Education, umano'y non-disclosure ng vaccine procurement details ng Department of Health.βFRJ, GMA Integrated News