Isang mananaya ang nanalo ng halos P9 milyon jackpot prize sa Megalotto 6/45 draw nitong Lunes, December 18, 2023. Pero ang mas malaking premyo sa Grand Lotto 6/55 draw na P511 milyon, hindi pa rin tinamaan.

Sa website ng Philippines Charity Sweepstakes Office (PCSO), nakasaad na ang lumabas na mga numero sa Megalotto 6/45 ay 20-33-01-29-06-09, at may premyong P8,910,000.00.

Samantalang sa kasabay nitong draw na Grand Lotto 6/55, ang lumabas naman na mga numero ay 48-54-37-06-53-16, at umaabot na ang jackpot sa P511,449,631.60.

Sa Martes, Dec. 19, may draw para sa Ultra Lotto 6/58 na umaabot din ang jackpot sa P500,000,000.00.

Nagkakahalaga naman ng P297,442,106.20 ang premyo sa isa pang draw na Superlotto 6/49, habang mahigit P12 milyon ang premyo sa isa pang draw sa Martes na Lotto 6/42.

Nitong nakaraang linggo, sinimulan ng PCSO ang e-lotto trial run para sa 6/55 at 6/58, at itinaas ang jackpot prizes sa tig-P500-milyon.

Layunin ng e-lotto na mapataas ang kita ng PCSO. --FRJ, GMA Integrated News