Patay ang isang katao at 26 ang sugatan matapos magpasabog ng mga granada ang isang pulitiko sa gitna ng kanilang village council meeting sa Keretsky Village sa rehiyon ng Zakarpattia, Ukraine.
Sa isang video mula sa National Police of Ukraine, na iniulat din sa GMA Integrated Newsfeed, mapapanood ang pagpasok ni Deputy Serhiy Batryn ng Ukraine parliament sa isinasagawang pagpupulong.
Maririnig din ang mainit na talakayan ng ilang miyembro ng village council tungkol sa kanilang 2024 budget habang nakatayo si Batryn.
Sa gitna ng pagpupulong, may kinuha si Batryn mula sa kaniyang mga bulsa.
Mga granada na pala ito na isa-isa niyang ibinato sa gitna mismo ng kwarto kung saan nagaganap ang pagpupulong.
Ilang saglit pa, maririnig na ang sigawan ng mga council member samantalang binalot ng makapal na usok ang kwarto matapos sumabog ang mga granada.
Wala pang ulat kung nakaligtas ang suspek.
Lumabas sa imbestigasyon na inalmahan umano ni Batryn ang pag-apruba ng 2024 budget ng konseho dahil hindi pa sila nagbibigay ng kanilang full report kung saan nila ginamit ang kanilang pondo ngayong taon.
Bukod ito, may matagal na rin umanong hidwaan si Batryn sa chief ng Keretsky Village na si Mikhail Mushka.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa tunay na motibo ni Batryn. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News