Magkakaroon ng dagdag sa buwanang sahod ng mga kasambahay sa Metro Manila simula sa susunod na taon. Ang mga manggagawa naman sa Region XIII o Caraga Region, may dagdag din sa minimum wage.
Sa inilabas na pahayag ng Department of Labor and Employment (DOLE), sinabi nito na kinatigan ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) ang wage orders na isinumite ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ng Caraga at National Capital Region (NCR).
Nitong December 5, naglabas ang RTWPB ng Caraga ng motu propio Wage Order No. RXIII-18, na nagkakaloob ng "P20 daily minimum wage increase across all sectors upon effectivity," at karagdagang P15 sa second tranche sa May 1, 2024.
“This will bring the daily minimum wages in the region to P385 upon implementation of the two tranches,” ayon sa DOLE.
Bukod dito, naglabas din ang RTWPB ng Caraga ng motu propio Wage Order No. RXIII-DW-04 para dagdagan ng P1,000 ang monthly minimum wage ng mga kasambahay.
Dahil dito, magiging P5,000 na ang buwanang sahod ng mga kasambahay sa naturang rehiyon.
Samantala, ang RTWPB NCR naman ay naglabas ng motu propio Wage Order No. NCR-DW-04 noong December 12, 2023 na nagtatakda na dagdagan ng P500 ang monthly minimum wage ng mga kasambahay para tumaas ang sahod nila sa P6,500.
Ayon sa DOLE, ilalathala ang wage orders RTWPB Caraga sa December 16, 2023, at magkakabisa ang kautusan pagkaraan ng 15 araw, o sa January 1, 2024.
Samantalang ilalathala naman ang wage order ng RTWPB NCR sa December 18, 2023, at magkakabisa sa January 3, 2024.
“The new rate for workers in the private sector translates to a 10% increase from the prevailing daily minimum wage rate in Caraga Region and results in a comparable 23% increase in wage-related benefits covering the 13th-month pay, service incentive leave (SIL), and social security benefits such as SSS, PhilHealth, and Pag-IBIG,” ayon sa DOLE. —FRJ, GMA Integrated News