Hiniling ni House Speaker Martin Romualdez ang suporta ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan kaugnay sa plano ng mga kongresista na amyendahan ang Saligang Batas.
“Both the Congress and the LGU [local government units] will be working together for the betterment of the Filipino people by introducing a new Constitution,” saad ni Romualdez sa ulat ng GMA News 24 Oras.
Sa ilalim ng 1987 Constitution, nakasaad na maaaring isagawa ang pag-amyenda sa Saligang Batas sa pamamagitan ng:
- sa Kongreso sa bisa ng three-fourths votes ng lahat ng miyembro ng ipatatawag na Constituent Assembly
- sa Constitutional Convention na ipatatawag ng Kongreso sa bisa ng two-thirds votes ng mga miyembro, at ihahalal ang mga mapipiling miyembro o delegado ng ConCon, at
- People’s Initiative sa pamamagitan ng petisyon ng nasa 12% ng total number ng registered voters, na sa bawat legislative district ay dapat may kinatawan ng nasa 3% ng rehistradong botante.
Nauna nang nagpahayag ng pagsuporta si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mungkahing pag-aralan na amyendahan ang Konstitusyon na nakatuon upang makahikayat ng mas maraming dayuhang mamumuhunan sa bansa.— FRJ, GMA Integrated News