Timbog ang tatlong lalaking magbabarkada dahil sa pagbebenta umano ng shabu at marijuana sa Taguig City.
Sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Martes, sinabing nagbebenta umano ang magkakaibigan ng ilegal na droga sa Barangay Tanyag.
Ayon sa pulisya, nakatawag ng pansin ng mga patroller ang amoy ng tila naninigarilyo mula sa isang bahay, na kalauna’y amoy pala ng marijuana.
Tumakas ang lalaki matapos siyang sitahin at nagkaroon ng habulan. Pagkarating niya sa ika-apat na palapag, dito na tumambad ang mga umano’y droga.
Nakatalon ang lalaki mula sa bintana at nakatakas sa mga awtoridad, ngunit nadakip sa bahay ang tatlo pang lalaki na naaktuhang nagre-repack ng mga marijuana.
Nasabat mula sa mga suspek ang mahigit dalawang kilo ng marijuana umano na nagkakahalaga ng P342,000 at siyam na gramo ng shabu umano.
Natagpuan din ang tatlong marijuana oil na nakalagay sa mga cartridge na nagkakahalaga ng P7,000 bawat isa.
Umamin ang may-ari ng bahay na si Timothy Navera na pagmamay-ari niya ang mga nasabat na ilegal na droga na kaniyang in-order sa online, at sa online din nila binibenta.
Itinanggi naman ng dalawa pang naaresto na sina Andrei Vidad at Bryan Cordova na kasama sila sa pagbebenta. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News